Duterte, muling binigyan ng pag-asa ang kanyang supporters
Walang nakapigil sa mga taga-suporta ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na magtipon-tipon sa Quirino Grandstand sa Rizal Park para patuloy na kumbinsehin ang alkalde na tumakbo bilang presidente sa darating na 2016 elections.
Hindi man nakarating ang alkalde dahil kasalukuyan siyang nasa Zamboanga, ipinadala niya ang kaniyang pahayag sa pamamagitan ng text message na binasa ni retired Armed Forces of the Philippines chief Hermogenes Esperon sa lahat ng mga taga-suporta niya.
Malugod na nagpasalamat si Duterte sa lahat ng kaniyang natatanggap na suporta, lalo na sa mga tiniis ang init ng araw at ang buhos ng ulan. Humingi rin siya ng tawad sa hindi niya pagdating dahil siya ay nasa Zamboanga City para tumulong sa paghahanap ng solusyon sa pagdukot na naganap sa Samal Island.
Aniya, batid niya ang panawagan at kagustuhan ng mga tao na magkaroon ng naiibang kandidato sa pagkapangulo sa kabila ng ilang beses niyang pag-giit na wala siyang ambisyon na maging pangulo, dahil para sa kaniya, ang tunay na pinuno ay hindi tumutugon sa pansariling interes kundi sa tungkulin at moral na obligasyon.
Panawagan niya, “Sa lahat ng kababayan natin, humihingi ako ng konting panahon so I can do some final soul-searching with myself and my family.”
Tinapos niya ang kaniyang pahayag sa: “At pagkatapos, sa konting panahon na lang po, haharap ako sa bansa at sa inyong lahat. At magdedesisyon ako ng buong kalooban at mula sa puso. Pangako ko sa inyo – hinding-hindi ko kayo pababayaan.”
Lubos na nagalak ang mga taga-suporta ni Duterte nang marinig ang huling bahagi ng kaniyang pahayag.
Magugunitang nauna nang naglabas ng pahayag si Duterte na hindi siya tatakbo bilang pangulo sa 2016 elections.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.