Dolores o’Riordan ng ‘The Cranberries’ pumanaw sa edad na 46

 

Sumakabilang-buhay na ang lead singer at song writer ng bandang ‘The Cranberries’ na si Dolores o’Riordan.

Kinumpirma ng publicist nito ang pagpanaw ng mang-aawit ng sikat na Irish alternative band na sumikat noong dekada nubenta.

Ayon sa statement, namatay si o’Riordan habang nasa kanyang hotel sa London.

Nasa London ang mang-aawit para sa isang recording session ayon sa kanilang publicist.

Gayunman, walang ibang detalyeng ibinigay kaugnay sa naging dahilan ng maagang pagpanaw ng Irish singer.

Ikinabigla naman ng music industry ang balita ng pagkamatay ng 46-anyos na mang-aawit.

Noong nakaraang taon, ilang konsyerto ng grupo ang nakansela dahil sa umano’y ‘back problem’ ni o’Riordan.

Una na ring na-diagnose bilang bipolar ang mang-aawit.

Bumaha naman sa social media ang mga mensahe ng pakikiramay at kalungkutan sa maagang pagpanaw nito.

Si o’Riordan at ang banda nitong ‘The Cranberries’ ang nagpasikat ng mga kantang “Dreams” at “Linger” at “Zombie” noong 1993 at 1994.

Read more...