Mezzanine ng Indonesia stock exchange gumuho, 75 sugatan
Hindi bababa sa 75 katao ang nasaktan makaraang gumuho ang kanilang nilalakarang mezzanine floor sa loob ng Indonesia stock exchange, Lunes ng hapon.
Mula sa mezzanine, bumagsak sa ground floor ang mga biktima na nagtamo ng mga bali at sugat sa katawan sanhi ng insidente.
Ayon sa mga otoridad, karamihan sa mga biktima ay mga estudyante na bumibisita lamang sa stock exchange.
Nagkataon na sama-samang dumadaan ang mga ito at ilan pang empleyado ng gusali sa balcony area ng mezzanine floor nang biglang bumigay ang kanilang nilalakaran.
Nagdulot rin ng bahagyang panic sa mga tao ang insidente matapos dumagundong ang lugar sanhi ng pagbagsak ng mga salamin, konkreto at bakal kasama ang mga biktima.
Unang inakala ng mga tao sa loob ng gusali na bomba ang sumabog ngunit kalaunan ay nilinaw ng mga otoridad na ang pagguho ng mezzanine balcony ang sanhi ng malakas na dagundong.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Jakarta police sa posibleng dahilan ng pagbagsak ng balcony ng stock exchange.
Gayunman, hinihinalang ang kalumaan ng istruktura ang naging dahilan ng pagbagsak nito.
Taong 2000 nang mabiktima ng pambobomba mula sa Islamist militants ang Indonesia stock exchange na ikinamatay ng sampu katao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.