Magsasaka sa Kidapawan, arestado sa pag-molestiya sa mga anak

kidapawan mapInihahanda na ng mga pulis ang mga kasong laban sa 35-anyos na magsasaka sa Kidapawan City matapos itong maaresto dahil sa paulit-ulit na pag-molestiya sa kaniyang anak at sa anak ng kaniyang asawa na parehong mga batang babae.

Natutulog ang magsasaka sa kanyang tahanan sa isang liblib na barangay nang dumating ang mga pulis noong Huwebes. Hindi na ito pinangalanan para sa proteksiyon ng mga batang biktima.

Ayon kay deputy police chief Senior Supt. Samuel Bascon, isinagawa nila ang operasyon para aksyunan ang sumbong ng lolo ng mga bata hinggil sa dinaranas na pananamantala sa kamay ng kanilang ama. Ayon sa lolo, nakita mismo ng kapatid na lalaki ng dalawang batang babae ang ginagawang panghahalay ng ama.

Nang hulihin ang magsasaka ay narekober din sa kanya ang isang .38 kalibre na revolver.

Ani Bascon, habang isinasailalim ang suspek sa imbestigasyon, umamin din ito sa mga kahalayang ginagawa sa dalawang batang babae na ayon sa suspek ay ginagawa na niya simula pa noong 7 at 9 anyos pa lamang ang mga bata.

Kaya lang daw aniya ito nagawa dahil nagta-trabaho ng stay-in ang ina ng mga bata sa isang establisyemento sa lungsod.

Umamin din siya na binantaan niya ang mga bata na sasaktan ang mga ito kapag sila ay nagsumbong. Aniya nagagawa lang naman niya ito kapag siya ay lasing.

Kasabay ng pag-amin ay humingi rin ng tawad ang suspek sa mga biktima at sinabing handa siyang pagdusahan ang kaniyang mga ginawa.

Read more...