Ipapatawag ng House Justice Committee ang psychiatrist na nagbagsak kay Chief Justice Ma Lourdes Sereno.
Ayon kay House Justice Committee Chairman Rey Umali, nais nilang humarap sa komite ang hindi pa pinangalangang psychiatrist na sinasabi ring hindi nirenew ang kontrata matapos umupo sa puwesto ang Punong Mahistrado.
Sinasabing binigyan ng rating na 4 ng psychiatrists na kinuha ng Judicial and Bar Council si Sereno base sa scale na 1 to 5, kung saan ang 5 ang pinakamababa.
Lumabas din sa resulta ng pagsusuri na si Sereno ay nagpapakita ng “depressive markers.”
Samantala, dalawa pang mahistrado kabilang isang retired justice ng Supreme Court at isang Court of Appeals justice ang iimbitahan ng komite ni Umali.
Kabilang dito sina SC Justices Mariano Del Castillo at Andres Reyes, retired SC Justice Adolf Azcuna, at Court of Appeals Justice Remedios Salazar-Fernando.
Babalik naman sa susunod na pagdinig upang ipagpatuloy ang kanyang testimonya si SC Associate Justice Teresita De Castro.