#ALDubEBforLOVE, record breaking sa 20-M tweets

By Marilyn Montaño September 26, 2015 - 05:50 PM

Mula sa Twitter account ng Eat Bulaga
Mula sa Twitter account ng Eat Bulaga

Binasag ng phenomenal pair ng Pilipinas na AlDub ang sarili nitong record bilang trending topic hindi lang sa bansa kundi sa buong mundo.

Ilang oras bago ang nakatakdang pagbisita ni Alden Richards sa mansyon ng mga lola ni Maine Mendoza o Yaya Dub ay halos napantayan na ng AlDub ang record-breaking first date ng dalawa noong nakaraang linggo.

Nang magsimula ang Kalyeserye ng Eat Bulaga ngayong araw ay nasa 10 million mark na ang #ALDubEBforLOVE. Habang umeere ang AlDub ay lumobo pa ang bilang ng tweets at naturang hashtags sa social media.

Dakong alas tres ng hapon ay umabot na sa mahigit 20 million ang tweets at inaasahang tataas pa ito. Naging malinaw na ang AlDub pair nina Alden at Yaya Dub ang number one trending topic sa Pilipinas at sa buong mundo.

Kasabay ng pagbisita ng binata kay Yaya ay ang inilunsad na National Pabebe Wave ng Eat Bulaga kaya kumalat din sa Facebook, Twitter at ibang social media ang mga litrato ng mga netizens na nagpapabebe wave o ang pagkaway na mala-Yaya Dub.

Bago ang pagdating ni Alden ay ilang damit ang sinubukan ni Yaya bago pumayag si Lola sa suot nito na simpleng red dress.

Naging maayos naman ang unang tungtong ni Alden sa mansyon nina Lola Nidora, Tidora At Tinidora. Pero bago nito ay tinupad ng binata ang unang bilin ni Lola na live na pagkanta ng Aldub themesong na “God Gave Me You.” Habang kumakanta ay naiyak si Alden at nagpasalamat at inihandog ang awit kay Maine.

Bitbit ang mga bulaklak at ang isa pang bilin ni Lola Nidora na chicharon ay tumungo na si Alden sa mansyon kung saan sinalubong ito ng isa pang karakter ng Kalyeserye na si Rhianna na ginampanan din ni Wally Bayola.

Sa gitna ng kanilang pag-uusap at pagsasalo sa pagkaing pansit at cake ay tinupad nina Alden at Yaya ang bilin ni Lola na no touch. Kinilig at nagsisigaw ang AlDub fans sa pagiging sweet ng dalawa lalo na kapag sila ay nag-uusap at nagtitinginan.

Pero habang nag-eenjoy sina Alden at Yaya ay nagparinig si Lola Nidora na inaantok na siya at oras na ng kanyang siyesta. Tuloy, ang binata ay nagpaalam na pero sinabihan naman ito ni lola na pwede siyang bumalik sa mansyon basta magpaalam lang ito. Bago tuluyang umalis ay may inabot na sulat si Yaya sa binata pagkatapos ay narinig ang boses ni Yaya dub nang sabihin nito ang katagang “This must be love.”

Samantala, kung record-breaking ang AlDub ay nagtrending din naman ang karibal nitong #ShowtimeKapamilyaDay na nagtala ng mahigit limang milyong tweets. Ipinangtapat nito sa AlDub ang tinaguriang Pastillas Girl at ang malalaking love teams at mga artista ng ABS-CBN.

Bukod naman sa pag-trending ay umani rin ng papuri ang AlDub mula sa Catholic Bishops Conference of the Philippines. Nagtweet ang CBCP na suportado nito ang AlDub dahil sa maganda nitong adhikain na ipalaganap ang magandang ugali at moralidad.

TAGS: #ALDubEBforLOVE, AlDub, kalyeserye, #ALDubEBforLOVE, AlDub, kalyeserye

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.