Pagtatayo ng tulay na magdurugtong sa Cebu City at Isla ng Mactan, sisimulan na
Inaasahang masisimulan na sa taong ito ang konstruksyon ng tulay sa lalawigan ng Cebu na bahagi ng Philippine Inter-Island Linkage Project bilang pagpapatupad “Build, Build, Build” program ng gobyerno.
Ito ang tinukoy ng Department of Public Works and Highways (DPWH) makaraang malagdaan kamakailan ang kontrata sa pagitan ng Metro Pacific Tollways Corporation o MPTC at Cebu Link Joint Venture para sa disenyo at konstruksyon ng mahigit walong kilometrong Cebu-Cordova Link Expressway.
Ayon kay DPWH Secretary Mark Villar, ang proyekto ay magpapahusay sa imprastraktura sa mga island province ng bansa na makakatulong sa pag-unlad ng ekonomiya ng Cebu at maging ng iba pang lalawigan sa ilalim ng Region 7 o Central Visayas kabilang na ang Bohol, Negros Oriental at Siquijor.
Ang nasabing tulay na isang toll bridge expressway ay may habang walo at kalahating kilometro at ang unang toll road expansion project ng MPTC sa labas ng Luzon.
Ayon sa Cebu-Cordova Link Expressway Corporation o CCLEC, subsidiary ng MPTC, ang proyekto ay mag-uugnay sa Cebu City at Munisipyo ng Cordova na matatagpuan sa Mactan island.
Kabilang sa mga lumagda sa kasunduan ay sina MPTC president at CEO Rodrigo Franco, CCLEC President at General Manager Allan Alfon, Acciona Construccion Southeast Asia Director Ruben Camba at iba pang personalidad sa nasabing proyekto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.