Sinuspinde na ng lokal na pamahalaan ng Albay ang klase sa pre-school hanggang senior high school sa paligid ng Bulkang Mayon sa lahat ng pribado at pampublikong paaralan ngayong Lunes, January 15, 2018.
Ito ay dahil sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon na nasa Alert Level 3 na.
Ayon kay Albay Governor at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council chairman Al Francis Bichara, mananatili ang class suspension hanggang hindi nag-aanunsyo ng balik-klase ang lokal na pamahalaan.
Ayon sa advisory, suspendido ang klase sa Kindergarten hanggang Senior High sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa mga barangay na may mga pinalikas na residente.
Samantala, suspendido naman ang klase sa Kinder hanggang Senior High School sa mga pampublikong paaralan na ginagamit ang mga silid-aralan bilang mga evacuation centers.
Inatasan rin ng lokal na pamahalaan ang mga Division Office ng DepEd na gumawa at magrekomenda ng mga kaukulang contingency plan habang mataas ang aktibidad ng Bulkang Mayon.