Mula sa Alert Level 2 ay itinaas na ng PHIVOLCS ang alerto sa Bulkang Mayon sa Level 3.
Batay sa inilabas na advisory ng ahensya ay naobserbahan nilang patuloy na pataas ang trend ng volcanic activity ng Mayon.
Naitala na ang tatlong phreatic eruption at 158 rockfall sa loob lamang ng 24 na oras.
Kumpara sa mahinang crater glow kaninang madaling araw ay mas tumingkad pa ito ngayong gabi.
Nangangahulugan ito na nagkakaroon ng bagong lava dome ang bulkan at nagsisimula na ang lava flow sa southern slopes ng bulkan.
Sa ngayon ay 836 na pamilya na ang nailikas at kasalukuyang nasa 4 na evacuation centers sa mga bayan ng Guinobatan at Camalig para masiguro ang kanilang kaligtasan.
Dahil itinaas na sa Level 3 ang alerto sa bulkan ay magiging 8km ang danger zone at kakailanganin ring magsilikas na ang mga residente ng Ligao, Tabaco, Malilipot, Sto. Domingo, at Legazpi.