Kinilala na ang isang namatay sa pagguho ng lupa sa Tacloban City gabi ng Sabado, January 13.
Ito ay si Delia Carson, 64 na taong gulang at pinunong barangay tanod sa Barangay 43-B.
Kwento ng asawa ni Carson na si Sonny, lumabas ng bahay ang biktima para balaan ang mga kapitbahay tungkol sa landslide. Ngunit agad na bumigay ang pader ng kanilang bahay, dahilan upang madaganan sila at kanilang apo.
Maswerte namang nakaligtas si Mang Sonny at kanyang apo sa guho.
Samantala, pinaiimbestigahan na ni Tacloban City Mayor Cristina Romualdez kung bakit mabilis na bumigay ang pader na humaharang sa residential area at bahagi ng gumuhong lupa.
Paalala naman ng alkalde at Office of the Civil Defense (OCD), agad nang lumikas ang mga residenteng nakatira sa mga landslide-prone areas para hindi na mabiktima pa ng katulad na insidente.