Kasalukuyan pa ring isinasagawa ang rescue operations matapos lumubog ang isang bangkang lulan ang 40 estudyante sa karagatang malapit sa Mumbai, India.
Tatlo na ang naitatalang patay habang 32 estudyante na ang nasasagip ng mga awtoridad.
Dalawa sa mga natagpuang katawan ng mga nasawi ay babae na sinasabing parehong 17 anyos.
Pawang mula sa KL ponda High School sa Dahanu ang mga estudyante.
Ayon sa ulat ng Times of India, ‘overcrowded’ ang bangka at hindi nakasuot ng life jackets ang mga biktima.
Ayon naman sa ulat ng NDTV, maaaring naging sanhi ng pagtaob ng bangka ay ang pagpunta ng mga estudyante sa gilid na bahagi ng bangka upang kumuha ng ‘selfies’.
Nakiramay na rin sa pamilya ng mga biktima si Indian President Ram Kovind at sinabing sinisikap ng gobyerno na mahanap pa ang mga nawawala.