Binuweltahan ni dating Health Sec. Janette Garin ang dating consultant ng Department of Health na nagsabing miyembro ang dating opisyal ng isang “mafia” na nag-ooperate pa rin sa mga proyekto sa loob ng kagawaran.
“I categorically deny any wrongdoing as former DOH Secretary and as a public servant. I always did what was best for the department to fulfill its mandate,” pahayag ni Garin.
Nauna nang sinabi ni Dr. Francis Cruz na kasama si Garin sa mga nakikinabang hanggang sa kasalukuyan sa ilang mga ghost projects sa loob ng DOH.
Maliban sa P3.5 Billion na Dengvaxia vaccine controversy, sinabi ni Cruz na nakinabang rin si Garin sa ilan pangmga bogus na proyekto kabilang na ang pagsasa-ayos ng ilang mga health centers sa mga lalawigan at ang pagbili ng mga overpriced na gamot.
Sa kanyang impormasyon ay sinabi ni Cruz na hindi bababa sa P35 Billion ang nawala sa DOH sa nakalipas na panahon dahil sa pag-ooperate ng kanyang sinasabing “mafia”.
Hinamon naman ni Garin na kung totoo ang mga pinakawalang alegasyon ni Cruz ay bakit hindi siya kinasuhan nito sa hukuman o kaya ay sa Ombudsman.
Nagbanta rin ang dating opisyal na hindi siya papayag na wasakin ni Cruz ang kanyang pangalan at nakahanda siyang magsampa ng kaso dahil sa mga akusasyon laban sa dating kalihim.
Ayon pa kay Garin, “I will definitely stop him if he is intending to destroy the DOH as an institution even if I have to file a libel case against him. He should also resign as DOH consultant if he is hitting the DOH and its officials in media, unless substantiated”.