Sinalakay ng mga vandals ang tatlong simbahan sa Chile tatlong araw bago ang nakatakdang pagbisita doon ni Pope Francis.
Hinagisan ng mga vandals ang mga simbahan ng homemade bombs na nagdulot ng mga maliliit na pinsala, at nag-iwan din sila ng mga banta laban sa Santo Papa.
Hindi pa nakikilala ang mga suspek na sinilaban din ng apoy ang isa sa mga simbahan.
Nagpakalat din sila ng mga pamphlets kung saan nakasaad ang banta na ang susunod na bomba ay ilalagay na nila sa robe ni Pope Francis.
Ayon kay Interior Minister Mahmud Aleuy, mayroong karapatang magprotesta ang mga mamamayan, pero ibang usapan na kung gagamit ang mga ito ng karahasan.
Sa Lunes nakatakdang dumating si Pope Francis sa Chile, habang sa Martes naman gaganapin ang misa sa Santiago park na inaasahang dadaluhan ng 500,000 katao.
Inaasahan naman na ang mga pag-protestang may kaugnayan sa indigenous rights at mga lumalabas na sexual abuse scandal sa Simbahan.