Inilabas ng kalihim ang isang direktiba na nagbibigay-diin sa palagiang pagliban ng mga lokal na opisyal upang maresolbahan ang mga isyu sa kapayapaan at seguridad sa kanilang mga nasasakupan.
Pinababantayan ni Lorenzana ang mga alkalde ng mga bayan na pinuputakti ng mga terorista upang malaman kung ano ang kanilang mga ginagawang hakbang alinsunod sa kampanya ng pamahalaan laban sa terorismo.
Ibinilin ito ni ARMM Gov. Mujiv Hataman at mga gobernador sa mga lalawigan sa labas ng ARMM.
Ayon kay Hataman, sisimulan na ng mga tauhan ng mga ahensya ng ARMM ang pagsilip kung sinusunod ng mga lokal na opisyal ang kanilang “obligatory presence” sa kani-kanilang mga nasasakupan at alamin kung ano ang ginagawa ng mga ito para pagsilbihan ang kanilang mga residente.
Ani Hataman, layon ni Lorenzana na tiyaking mabisang nakapagsisilbi ang mga lokal na pamahalaan sa mga lugar na ginugulo ng mga extremists.
Sang-ayon din naman aniya siya sa nais mangyari ni Lorenzana dahil naniniwala si Hataman na tanging ang maayos na pamamahala lang ng lokal na gobyerno ang makapagtataboy sa violent religious extremism.
Matatandaang binatikos ang ilan sa mga alkalde sa Lanao del Sur kung saan naroon ang Marawi City na pinangyarihan ng limang buwang bakbakan sa pagitan ng pwersa ng gobyerno at mga Islamic State inspired na teroristang Maute Group.
Napuna kasi ang kawalan nila ng aksyon o ang kabiguan nila na mapigil ang pagkukuta ng mga terorista sa kanilang mga nasasakupang lugar.