Ika-apat na petisyon vs. martial law extension, inihain ng grupo ni Christian Monsod
Inihain ng grupong pinangungunahan ng dating Commission on Elections (COMELEC) chairman at isa sa mga framers ng 1987 Constitution na si Christian Monsod ang ikaapat na petisyon kontra sa pagpapalawig ng martial law sa Mindanao.
Kasama ni Monsod sa paghahain ng petisyon sa Korte Suprema sina Arlene Bag-Ao, Rey Paolo Santiago, Nolasco Ritz Lee Santos III, Marie Hazel Lavitoria, Nicolene Arcaina at Jose Ryan Pelongco.
Tinukoy namang respondents sa nasabing petisyon sina Defense Sec. Delfin Lorenzana, Armed Forces chief of staff Rey Guerrero, Senate President Koko Pimentel at House Speaker Pantaleon Alvarez.
Tulad ng naunang tatlong petisyon na inihain sa Korte Suprema, iginiit ng grupo nina Monsod na kulang sa factual basis ang pagpapalawig ng martial law sa Mindanao.
Iginiit din nila na tapos naman na ang bakbakan sa Marawi City, kaya hindi na nila ito maikakatwiran sa isang taon pang pagpapatupad ng batas militar sa naturang rehiyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.