Nagdududa ang Department of Energy (DOE) sa pagtaas ng presyo ng ilang gasolinahan.
Bunga nito, pinadalhan ng show cause order ng DOE ang mga gasolinahan para ipaliwanag kung makatuwiran ang ipinatupad nilang price hike.
Sinabi ni Energy Sec. Alfonso Cusi na sa darating na Martes, Enero 16, pa dapat magtaas ng presyo ang mga kompaniya ng langis bunsod ng ipatutupad na Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law ng administrasyong-Duterte.
Ani Cusi, sa kasalukuyan din ay beneberipika ng kanilang team of inspectors kung totoong ang ilang oil companies ay naubos na ang imbentaryo kung kaya’t nauna na silang nagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Kasabay nito binalaan ng kalihim ang mga mananamantala sa bagong batas sa buwis.
Muli nitong iginiit na ang mga produktong petrolyo na nabili na ng mga kumpaniya noong nakaraang taon ay hindi pa sakop ng bagong buwis.
Ang mga lalabag ay maaaring maharap sa kasong administratibo at posibleng matanggalan ng kanilang Certificates of Compliance (COC)
Mahaharap din sila sa kasong kriminal tulad ng estafa, profiteering at paglabag sa Oil Regulation Law.