200 e-trike ibinigay ng DOE sa Marawi City

Radyo Inquirer File Photo | Erwin Aguilon

Nag-donate ng 200 electric tricycles ang Department of Energy (DOE) sa lokal na pamahalaan ng Marawi City bilang bahagi ng muling pagbangon ng lungsod.

Nilagdaan nina DOE Secretary Alfonso Cusi at Task Force Bangon Marawi chairperson at Housing and Urban Development Coordinating Council Secretary Eduardo del Rosario ang memorandum of understanding para rito.

Inaasahang darating sa Marawi City ang e-trikes sa February o March.

Ayon kay Del Rosario, ang pamamahagi ng e-trike ay alinsunod sa planong gawing environment-friendly ang lungsod.

Sinabi naman ni Cusi na maliban sa pagkakaroon ng energy-efficient mode na transportasyon, layunin din ng DOE na mabigyan ng kabuhayan ang mga residente sa lugar.

Ipinahayag ni Del Rosario na tutukuyin ng lokal na pamahalaan ng Marawi City ang mga benepisyaryo ng e-trikes.

Ayon kay DOE Assistant Secretary Bodie Pulido, ang pamamahagi ng e-trikes ay sa ilalim ng programang Market Transformation ng kagawaran. Bahagi ito ng P1.7 bilyong loan agreement sa Asian Development Bank (ADB) kung saan 3,000 e-trikes ang ipamamahagi sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

 

 

 

 

 

 

 

Read more...