DILG USec. Diño, ipinagtanggol ang direktiba sa mga barangay na magsumite ng drug list
Ipinagtanggol ng bagong talagang Undersecretary ng Department of Interior ang Local Government na si Martin Diño ang kanyang direktiba sa mga Barangay Chairman na magsumite ng listahan ng mga drug dependents sa kanilang lugar.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Diño, sinabi nito na dadaan sa matinding verification process ang mga isusumiteng listahan.
Ayon pa kay Diño, gumagawa lang ng isyu ang mga human rights lawyers, at umano’y mga ‘Dilawan’ para kontrahin ang kanyang direktiba.
“Nakakalungkot lang na itong mga human rights lawyers at mga ‘dilawan’ ay gumagawa na naman ng isyu,” ayon kay Diño.
Tiniyak ng Undersecretary na hindi magkakaroon ng paglabag sa karapatang pantao ng mga kasama sa drug list, at ginagawa lamang nila ito upang tulungan ang mga drug users na makapasok sa rehabilitation centers para makapag-bagong buhay.
Binanggit pa ni Diño na bilang dating Barangay Captain sa Quezon City, siya mismo ang nagsumite ng pangalan ng kanyang mga kamag-anak at kanyang kapatid na sangkot noon sa paggamit ng iligal na droga.
“Ultimo kapatid ko, pinangalanan ko, sinubmit ko. Ang kapatid ko, magaling na. Kagawad na siya ngayon,” ayon pa kay Diño.
Dagdag pa ni Diño, hindi siya papayag na maging ‘drug infested’ muli ang mga barangay tulad ng nangyari sa nagdaang administrasyon.
“Di ako papayag na mangyari muli yung nangyari sa dating administrasyon kung saan 9 out of 10 barangays ay drug-affected. Nagkulang ang dating administrasyon na bantayan ang mga barangay laban sa droga,” paliwanag pa ni Diño.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.