Pagdinig sa fare hike petitions, isasagawa sa Pebrebo ayon sa LTFRB

Sa darating na araw ng mga puso itinakda ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang pagdinig sa petisyon ng Grab Philippines na makapagtaas ng singil sa pasahe.

Sinabi ni LTFRB Board Member at Spokesperson Atty. Aileen Lizada na sa Pebrero 13 naman ang hearing para sa hiwalay na petisyon ng mga operator ng taxi.

Ang Grab ay nais magpatong ng karagdagang limang porsiyento sa kanilang pasahe, samantalang gusto naman ng mga taxi operators na maging P50 na ang kanilang flagdown rate.

Ang jeepney groups naman, ayon pa rin kay Lizada, ay may nakabinbing petisyon na maitaas sa P10 ang minimum fare ngunit dalawang beses nang naipagpaliban ang pagdinig sa kahilingan na rin ng mga petitioner.

Ibinahagi pa nito na may balakin ang jeepney groups na amyendahan ang kanilang petisyon at hihilingin na gawing P16 ang pasahe o doble ng kasalukuyang singil para sa unang apat na kilometro ng biyahe.

Ikakatuwiran ng jeepney groups ang excise tax sa krudo gayundin ang isinusulong na PUV modernization program.

Una nang sinabi ni Lizada na kung magkakaroon ng pagtaas sa pasahe maaring sa Marso na ito mangyari.

Read more...