“Sumbong Bulok, Sumbong Usok”, sunod na ilulunsad ng DOTr laban sa pasaway na PUVs
Matapos ang unang araw ng pagpapatupad ng Inter-Agency Council on Traffic o I-ACT sa kampanyang “Tanggal Bulok, Tanggal Usok”, sinabi ni Department of Transportation Undersecretary Thomas Orbos na nakatakdang rin silang maglunsad ng isa pang programa sa susunod na linggo.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, inanunsiyo ni Orbos na ilulunsad din nila ang kampanyang “Sumbong Bulok, Sumbong Usok” sa darating na Lunes.
Sa ilalim ng nasabing programa, maaaring magsumbong ang publiko sa DOTr ng mga makikita nilang pasaway na public utility vehicles o PUV.
Sa ngayong aniya ay ginagawa na nila ang mga guidelines at protocol para sa panibagong programa.
“Ginagawan na po namin ng guidelines, protocols para sa programa na ganyan. Hopefully by Monday we launch yung “Sumbong Bulok, Sumbong Usok” campaign. Yun naman po ang gagawin namin,” ani Orbos.
Pangunahing target ng kampanya ay ang smoke belching, bukod sa sirang mga ilaw at kalbong gulong.
Maaari aniyang kuhanan ng litrato ng publiko ang mga PUV na makikita nilang kakarag-karag na o bulok na at isumbong ang mga ito sa mga otoridad.
Samantala, binanggit din ni Orbos na umabot na sa halos isanlibo ang mga nahuhuling pasaway ng PUV sa ilalim ng programang “Tanggal Bulok, Tanggal Usok”.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.