Sa imbestigasyon ng Parañaque Police, nadiskubre ng biktima na isang sales manager ang nagnakaw matapos ma-wrong sent ng text ang kanyang babaeng kasambahay na 17 taong gulang.
Sa message na kanyang natanggap, nabatid na may kikitain na isang “Carl” ang kasambahay.
Pag-uwi ng biktima sa kanyang bahay ay sira na ang pinto sa kwarto at sinira rin ang padlock ng cabinet.
Nang halughugin ang kwarto, nawawala na pala ang kanyang P250,000 na cash at P3 milyong halaga ng alahas kabilang na ang dalawang mamahaling relo, singsing na may diamond, pearls, at ilang high end bangles.
Paliwanag naman ng suspek, mayroon umanong tumawag sa kanya sa telepono na hindi niya kakilala at sinabing nakadisgrasya ang kanyang amo kaya siya nakipagkita sa lalaki at nag-abot ng pera.
Hindi naniwala ang biktima sa paliwanag ng kasambahay dahil noon pa man ay nagbilin na siya na kung may tatawag man sa bahay nila na kahina-hinala, ito ay agad ipagbigay-alam sa kanya.
Dahil menor de edad ay inilipat na sa kustodiya ng DSWD ang kasambahay.
Sa kasamaang palad, hindi naman na nabawi ang mga ninakaw na pera at alahas sa biktima.