AFP, mahihirapan kung aalisin ang martial law sa Minadanao

 

Aminado si Armed Forces of the Philippines (AFP) chief Gen. Rey Leonardo Guerrero na magkakaroon ng malaking epekto sa seguridad sa Mindanao ang pag-alis sa martial law.

Ayon kasi kay Guerrero, maaapektuhan nito ang mga operasyon ng militar na isinasagawa para isulong ang kapayapaan at kaayusan sa Mindanao.

Paliwanag ni Guerrero, ang pagtatagumpay nila sa mga military operations ay naka-depende sa pagpapatupad ng batas militar sa rehiyon, tulad ng mga mas pinaigting na checkpoints at pagpapatrulya.

Sumasang-ayon naman si Defense Sec. Delfin Lorenzana sa pahayag na ito ni Guerrero.

Ayon kay Lorenzana, malaki ang naitutulong ng martial law sa pagharap ng militar sa mga malalaking banta sa seguridad sa Mindanao.

Matatandaang pinalawig ng isa pang taon ang pagpapairal ng batas militar sa Mindanao, na inaprubahan na ng parehong kapulungan ng Kongreso.

Gayunman, nahaharap naman ito sa ilang pagkwestyon sa Korte Suprema dahil may mga mambabatas na naniniwalang kulang ang legal at factual basis ng pagpapatupad ng extension.

Samantala, nanindigan naman si Lorenzana na kaya nila itong depensahan sa Korte Suprema, at kumbinsehin ang mga mahistrado kung bakit kailangang palawigin ang batas militar sa Mindanao.

Dahil sa nasabing extension, tatagal pa hanggang December 31, 2018 ang martial law.

Read more...