2 pang bata, namatay matapos turukan ng Dengvaxia-PAO

By Kabie Aenlle January 11, 2018 - 02:02 AM

 

Nakapagtala pa ang Public Attorney’s Office (PAO) ng dalawang kaso ng pagkasawi ng mga bata na naturukan ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia.

Ayon kay PAO Forensic Laboratory director Dr. Erwin Erfe, isa sa mga ito ay namatay dahil sa dengue shock syndrome, habang ang isa pa ay dahil naman sa septic shock.

Ani Erfe, siniyasat na nila ang katawan ng dalawang bata dahil sa ipinakitang biglaang pagbagsak ng lagay ng kanilang kalusugan.

Kinilala ang batang nasawi sa septic shock na si Alexander Jayme, 11 taong gulang, habang ang nasawi naman dahil sa dengue shock syndrome ay ang 13 taong gulang na si Rei Jazzline Alimango.

Ayon kay Erfe, parehong nagpakita ng mga sintomas ng severe dengue ang dalawang bata tulad na lamang ng lagnat, pananakit ng ulo, pananakit ng tiyan, at pagsusuka.

Napag-alaman na parehong tinurukan ng Dengvaxia ang dalawang bata noong nakaraang taon.

Sa panayam ng INQUIRER.net, sinabi ni Erfe na parehong may normal na laki ng organs ang mga bata ngunit pareho din silang nagkaroon ng internal bleeding sa utak.

Mas grabe pa ang kundisyon na dinanas ni Jayme dahil nakapagtala rin ng pagdurugo sa bituka, baga, at atay nito, maging ang kaniyang anit ay nakitaan ng mga bakas ng dugo.

Sa ngayon limang bangkay na ng mga batang naturukan ng Dengvaxia ang nasiyasat na ng PAO, at ayon kay Erfe ay mayroon pa silang iba pang isasailalim sa eksaminasyon.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.