Nailigtas ang 96 katao sa nagkaproblemang pampasaherong bangka sa Mataha Island, Basilan, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon kay PCG Zamboanga district chief Liuetenant Commander Alvin Dagalea, pumalaot ang PCG Boat 4402 makaraang makatanggap ng distress call mula sa ML Anika. Patungo ang pampasaherong bangka sa Topaan Island sa Tawi-Tawi.
Sinabi ni Dagalea na inabisuhan ng mga tauhan ng bangka ang PCG na pumapalaot sila sa gitna ng karagatan dahil nasira ang propeller shaft nito.
Dakong 10:30 ng gabi ng Martes nang natunton ng rescue boat ang ML Anika.
Ayon kay Dagalea, naisalba ng PCG ang 86 na pasahero kung saan 19 dito ay mga bata, at ang 10 crew members.
Wala namang nasugatan at nawala sa insidente.
Inihatid sa Zamboanga City ang ang mga pasahero at crew dakong ala-1:30 kaninang madaling araw.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng PCG sa insidente. /
Excerpt: