US gov’t, magbibigay ng karagdagang P330M para sa Marawi rehabilitation
Magbibigay ng karagdagang 330 milyong piso ang gobyerno ng Estados Unidos para sa rehabilitasyon ng Marawi.
Ito ay kasunod nang naunang 730 milyong pisong ibinahagi ng bansa para sa nasirang lungsod bunsod ng giyera.
Ayon kay US Ambassador Sung Kim, malalim ang dedikasyon ng Estados Unidos na suportahan ang kaibigan at kakampi nitong Pilipinas upang masiguro ang maganda at mapayapang kinabukasan ng mga mamamayan ng Mindanao.
Gayunman higit isang bilyon na rin ang kontribusyon ng Washington sa rehabilitasyon ng Marawi at karatig-lugar sa pamamagitan ng US Agency for International Development (USAID).
Ilan sa mga naitulong na ng USAID ay ang pagpapanumbalik ng water access sa lugar na apektado nang giyera maging ang distribusyon ng mga upuan sa mga eskwelahan.
Nakabuo na rin ng health clinics ang ahensya bilang tugon sa mga pangangailangang medical.
Ayon sa US Embassy, magpapatuloy ang pagbibigay ng USAID ng mga serbisyo-publiko tulad ng tulong sa patubig at kuryente at pagpapaganda ng mga sistemang pang-edukasyon at kalusugan sa rehiyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.