Itim na Nazareno, naibalik na sa Quiapo Church makalipas ang 22 oras
Makalipas ang 22 oras, naibalik na rin sa Minor Basilica of the Black Nazarene sa Quiapo ang Itim na Nazareno.
Inihatid ang Poon ng milyun-milyong mga deboto mula sa pamamalagi nito ng ilang araw sa Quirino Grandstand tungong Quiapo Church o Basilica Minore.
Alas-2:59 ng umaga ng makapasok ang karosa ng Itim na Nazareno sa loob ng simbahan na sinabayan ng hiyawan ng milyon-milyong deboto sa loob at labas ng simbahan.
WATCH: Matapos ang 22 oras, naibalik na rin sa Quiapo Church ang Itim na Nazareno I @dzIQ990 pic.twitter.com/cKHDtzx9ax
— Mark Makalalad (@MMakalaladINQ) January 9, 2018
Dakong alas 5:07 ng umaga ng Martes, inumpisahan ang ‘Traslacion’ at ipinrusisyon ang imahe sa ilang lugar sa Maynila bago ito magtungong muli ng Quiapo, pabalik sa kanyang nagsisilbing tahanan.
Naging pahirapan ang pagbalik ng Nazareno sa Quiapo Church na nagsisilbing tahanan nito.
Nagkaroon kasi ng bahagyang tensyon bago dumating ang ‘andas’ nang magpumilit ang ilang mga deboto na may ‘estantarte’ na makapasok sa Quiapo Church kahit na bawal.
Ang human wall na ginawa ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines, nabuwag nang mga deboto, pero agad din namang naisaayos makalipas ang ilang minuto.
Batay sa kasaysayan ng pista ng paglilipat ng Poon, ito na ang isa sa pinakamapayapang prusisyon.
Wala kasing casualties at major injuries na naitala.
Ayon sa pamunuan ng Manila Police District, aabot sa 6.3 Million na deboto ang pumunta sa Quiapo Church sa pagtatapos ng prusisyon.
Mas malaki ang bilang na ito kumpara sa mahigit 5 Million na nakilahok noong nakaraang taon.
Matatandaang, 22 oras din ang itinagal bago naibalik sa Quiapo Church ang Nazareno sa nakalipas na Traslacion.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.