2 US experts, mag-iimbestiga rin sa NCCC Mall fire
Dumating na sa bansa ang dalawang US experts upang magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa naganap na sunog sa NCCC Mall sa Davao na ikinamatay ng 38 katao noong December 23, 2017.
Ayon kay Sr. Supt Jerry Candido, tagapagsalita ng Inter-Agency Anti-Arson Task Force, bumisita sa kanyang tanggapan ang dalawang dayuhan upang ipagbigay-alam ang kanilang gagawing pagsisiyasat sa malagim na trahedya.
Ang dalawa ay personal na kinuha ng pamunuan ng NCCC Mall bilang third-party investigators upang silipin ang dahilan ng naturang sunog, ayon kay Candido.
Bilang tugon, agad namang nagtalaga ng liaison ang task Force upang makatulong ng dalawang imbestigador.
Una rito, sinabi ni Candido na may mga paglabag na natukoy ang Task Force sa panig ng NCCC Mall at Survey Sampling International o SSI na siyang kumpanyang pinagtatrabahuhan ng nasa 37 nasawi sa sunog.
Kabilang dito ang kawalan ng ‘compliance’ sa safety rules ng mga fire alarms, sprinkler system at mga fire exit.
Gayunman, mariing itinatanggi ng NCCC Mall na mayroon silang paglabag na nagresulta sa sunog./Jay Dones
Excerpt: Magsasagawa ng third-party investigation ang 2 US experts kaugnay ng sunog.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.