Pagtakas noon ng Reyes brothers, dapat ipaliwanag si Sec. De Lima ani Sandra Cam

cam-de-lima
Inquirer File Photo

Matapos maaresto sa Thailand at maibalik dito sa Pilipinas, hinamon ng whistleblower na si Sandra Cam si Justice Sec. Leila de Lima na ipaliwanag kung paanong nakalabas noon ng bansa ang magkapatid na Joel at Mario Reyes.

Si Cam ang nagbunyag noong 2012 na ang magkapatid na Reyes ay nakalabas ng bansa sa tulong ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) kahit sila ay nasa ilalim ng watch list order.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Cam na nagalit pa nga sa kaniya noon si De Lima dahil sa kaniyang ibinunyag at tinanong siya ng kalihim kung bakit siya nakikialam.

Ayon kay Cam, hindi inaksyunan ni De Lima ang kaniyang pagbubunyag noon hinggil sa pagtulong ng mga immigration agents para makalabas ng bansa ang Reyes Brothers. “Mag-explain siya kung paanong nakalabas ng bansa ang magkapatid, under her nose? Iyan ang tanong ko sa kaniya, dapat niyang sagutin iyan!,” ayon kay Cam

Ayon kay Cam, kaibigan ni De Lima ang mga Reyes dahil umakto ang kalihim na election lawyer ng mga ito noong sila ay nasa pwesto pa sa Palawan.

Katunayan ayon kay Cam tuwing bibiyahe si De Lima sa Palawan, sa bahay ng mga Reyes ito nakikitulog. “’Di po natin maaalis na ang puso nga niya ay nandiyan po sa dalawang magkapatid because of her relationship being the Comelec lawyer of the family and the family friend to the Reyeses,” dagdag pa ni Cam.

Read more...