Sunog sa Metro Ayala Cebu tuluyan nang naapula

Matapos ang halos dalawang araw, sa wakas ay tuluyan nang naapula ang apoy na tumupok sa Metro department store sa Ayala Center Cebu na nagsimula noon pang Biyernes ng gabi.

Ayon kay Bureau of Fire Protection-Central Visayas (BFP-7) Senior Supt. Samuel Tadeo, naideklara nila itong fire out pagsapit ng 4:18 ng Lunes ng hapon.

Umabot sa 40 na oras nagtagal ang sunog bago tuluyang naapula, dahil ayon kay Tadeo, nais nilang tiyaking kahit ang pinakamaliliit na ningas sa loob ng gusali ay kanila nang napatay.

Bagaman fire out na, bilang paninigurado ay mananatiling nakaantabay sa labas ng Metro Ayala ang dalawang truck ng bumbero sakali man na mayroon pang maganap na pagliliyab.

Samantala, bumuo na ng 15-man team ang BFP upang magsagawa ng imbestigasyon sa nangyaring sunog.

Pinasok na ng mga imbestigador at tauhan ng BFP ang natupok na gusali para sa kanilang inspeksyon.

Linggo nang tanghali naideklara ng BFP na under control ang sunog sa ikatlong palapag kung saan ito nagsimula, ngunit nahirapan din sila sa ika-lima at ika-anim na palapag dahil sa mga nakaimbak na tela at plastic sa lugar.

Dahil sa nasabing sunog, nais ni Cebu City Mayor Tomas Osmeña na ipagbawal muna ang pagtatayo ng mga high-rise buildings sa lungsod.

Ayon kay Osmeña sa ngayon ay hindi muna pahihintulutan ang paggawa ng mga gusali na lalampas sa apat na palapag, lalo na iyong mga residential buildings.

Ito ang napagdesisyunan ng alkalde upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente at upang hindi mahirapan ang mga bumbero na apulahin ang mga sunog sa matataas na palapag.

Nananatili naman munang sarado ang Ayala Center Cebu hangga’t hindi pa sila binibigyan ng mga otoridad ng go-signal na maari na silang magsimula ng operasyon.

Read more...