Mga condo buildings na nagtatapon ng water waste sa Pasig river ininspeksyon
Personal na tinungo ng mga opisyal ng Pasig River Rehabilitation Commission ang ilang condominium buildings sa lungsod ng Maynila na sinasabing may paglabag sa panuntunan ng tamang disposal ng kanilang water waste.
Kabilang sa ininspeksiyon ng PRRC sa pangunguna ni Executive Director Jose Antonio Goitia ay ang Zen Towers Corporation at Gotesco Regency Twin Towers sa Maynila, dito ay kinumpronta ni Goitia ang mga nangangasiwa ng naturang mga condominium.
Sa kabila nito ay hindi pinayagan ng pamunuan ng Zen Towers ang mga opisyal ng PRRC na masuri ang kanilang water waste facilities, habang sa Gotesco Regency naman ay pinabuksan mismo ni Goitia ang septic tank ng gusali.
Idinahilan ng mga tagapangasiwa ng Gotesco Regency na may interconnectivity na sa Maynilad water sewerage unit ang kanilang itinatapon na maruming tubig para sa water treatment pero wala silang maipakitang sertipikasyon.
Dahil dito ay hihintayin na lamang ng PRRC na ipagkaloob sa kanila ang kopya ng interconnectivity certificate bago magpasya ang ahensiya kung may paglabag ang condominium building.
Babala ng opisyal, hindi sila magdaldawalang isip na ipasara ang mga kumpanya at establishemento na nagtatapon ng dumi sa Pasig river.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.