Sinabi ng Manila City Hall na nakahanda na ang lahat para sa gaganaping Traslacion 2018 sa Enero 9, araw ng Martes.
Bukod sa pagsasaayos ng mga sirang kalsada na bahagi ng magiging ruta ng prusisyon ng Black Nazarene at natakpan na rin ang mga manhole.
Sa ngayon ay binabantayan na lamang ang mga lugar na may mga vendors at bago ang mismong araw ng prusisyon ay kanilang lilinisin ang mga ito para matiyak na walang mga basura tulad ng mga barbeque sticks at bote na pwedeng makasugat sa mga deboto ng Itim na Nazareno.
Pati ang pamunuan ng National Capital Regional Police Office ay may nakuha na ring mga posisyon para sa mga snipers at dagdag na pwersa ng PNP para sa kaligtasan ng prusisyon.
Halos 6,000 mga pulis ang ipakakalat sa araw ng Traslacion maliban pa sa mga tauhan ng militar at ng Philippine Coastguard.
Nasa white alert status rin ang lahat ng mg ospital sa Maynila para sa mabilis na medical assistance para sa publiko.
Sa Martes ay kanselado ang lahat ng pasok sa mga tanggapan ng pamahalaan sa Maynila dahil sa inaasang pagdagsa sa lungsod ng milyon-milyong mga deboto ng Black Nazarene.