22 katao nabiktima ng hinihinalang food poisoning sa Tondo

Kuha ni Mark Makalalad

Aabot sa 22 katao, kabilang na ang isang 2 taong gulang na bata, ang isinugod sa Ospital ng Tondo, Biyernes ng gabi matapos makaranas ng pagkahilo, pagsusuka at pananakit ng tyan.

Ayon kay Dra. Maria Concepcion Comia, lumalabas na ang huling kinain ng mga biktima ay isaw, dugo at tenga na tinitinda ng isang Divina Caballero sa kahabaan ng Abad Santos, Tondo, Manila.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, iginiit ng mga biktima na posibleng sawsawan na suka ang dahilan kung bakit sumama ang kanilang pakiramdam.

Depensa naman ng nagtitinda na kasalukuyang nasa pangangalaga ng Abad Santos Police Station, wala namang kakaiba sa ingredients ng kanyang sawsawan dahil pipino, paminta, asukal, sibuyas at sili lamang ang gamit nya dito.

Limang taon na rin daw syang nagtitinda at ito lang ang unang pagkakataon na inreklamo sya ng kanyang mga kustomer.

Samantala, nakakuha naman na ng samples ng raw meat ang ospital at suka na mula sa nagtitinda.

Isasailalim ito sa test para makumpirma kung ito nga ba ay kaso ng food poisoning. Tutukuyin din ang pagkakamali ng tindera at ang pananagutan nito.

Read more...