Alok na pakikipag-usap ng SoKor, tinanggap ng NoKor
Tinanggap na ng North Korea ang alok ng South Korea na magkaroon ng maayos at opisyal na pag-uusap.
Kinumpirma ni South Korean Unification Ministry spokesman Baik Tae-hyun na inabisuhan sila ng North Korea sa pamamagitan ng fax message, na tinatanggap na nila ang alok na pakikipag-usap ng South Korea.
Magaganap ang harapang usapan ng dalawang bansa sa January 9, isang araw matapos ang kaarawan ni North Korean leader Kim Jong Un.
Isasagawa naman ito sa Peace House na matatagpuan sa bahagi ng South Korea sa Panmunjom truce village sa Demilitarized Zone na nasa gitna ng dalawang bansa.
Nagkasundo aniya ang magkabilang panig na pag-usapan ang mga detalye ng pag-uusap sa pamamagitan ng pagpapalitan ng mga dokumento.
Dagdag pa ni Baik, kabilang sa mapag-uusapan ay mga isyung magpapabuti sa inter-Korean relationships at ang nalalapit na Pyeongchang o Winter Olympic Games.
Sakaling matuloy, ito na ang kauna-unahang high-level contact na magaganap sa pagitan ng dalawang bansa sa loob ng nagdaang mahigit dalawang taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.