PISTON, magsasagawa ng strike ngayong buwan

Nangako ang trasnport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) na magsasagawa sila ulit ng malawakang strike ngayong buwan upang patuloy na mag-protesta laban sa nakatakdang pagpapatupad ng jeepney modernization program.

Ayon sa kanilang presidente na si George San Mateo, magsasagawa sila ng malalaking protesta ngayong buwan ng Enero.

Giit ni San Mateo, hindi masisisi ninuman ang mga drivers at operators sa kanilang gagawin dahil sila ang pinaka-maaapektuhan ng nakatakdang pag-phaseout sa mga lumang jeep.

Matatandaang una na silang nagtakda ng transport strike noong December 4 at 5, ngunit kinansela aniya nila ito bilang pagtugon sa apela ni Sen. Grace Poe na sa Senado na ilabas ang kanilang mga hinaing.

Sa ngayon naman ay hindi pa alam ni San Mateo kung ilan sa kanilang mga miyembro ang sasabak sa transport strike.

Ayaw naman magbigay ni San Mateo ng pahiwatig kung kailan nila ito isasagawa dahil ayaw aniya nilang bigyan ng ideya ang gobyerno kaugnay ng kanilang mga plano.

Magugunitang sa mga nagdaang transport strikes ay nag-kansela ng klase ang mga lungsod upang maiwasan ang aberyang dulot ng kabawasan sa mga masasakyang jeep.

Read more...