5% dagdag-singil, pormal nang hiniling ng Grab

Grab PH Head Brian Cu | INQUIRER FILE

Pormal nang hiniling ng Grab Philippines sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang dagdag-singil dulot ng karagdagang excise tax sa mga produktong petrolyo.

Ayon kay Grab Philippines head for public affairs Leo Gonzales, nais nilang taasan nang 5% ang pasahe sa para sa kanilang drivers sa buong bansa. Paliwanag niya, mula P10 hanggang P14 kada kilometro, magiging P11 hanggang P15 na ang rate ng Grab.

Maliban dito, sinabi ni Gonzales na hiniling din ng Grab ng 10 sentimong dagdag kada minuto. Kasalukuyang P2 ang singil ng transport network vehicle service (TNVS) kada minuto.

Mananatili naman sa P40 base fare.

Ipinahayag ni Gonzales na ang hakbang na ito ay para sa kabuhayan ng Grab drivers. Aniya, tiyak na maapektuhan ang TNVS sa pagtaas ng excise tax sa gasolina.

Sa pagpapatupad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, tataas nang piso ang kada litro ng liquified petroleum gas, P2.50 sa kada litro ng diesel, at P2.65 sa kada litro ng gasolina.

 

Read more...