CA, kinatigan ang pagbasura sa hiling na $2B danyos ng human rights victims
Kinatigan ng Court of Appeals ang pagbasura sa kahilingan ng human rights victims sa ilalim ng rehimeng Marcos na ipatupad ang desisyon ng United States court na bayaran sila ng dalawang bilyong dolyar na danyos.
Batay sa resolusyon ni Associate Justice Normandie Pizarro noong January 3, ibinasura ng apellate court sa pamamagitan ng Former 12th Division ang mosyong inihain ng claimants.
Noong February 3, 1995, ipinag-utos ng US District Court sa Hawaii ang kabayaran sa claimants. Para ito sa class suit na inihain nina dating Commission on Human Rights (CHR) chairperson Etta Rosales at direktor ng pelikula na si Joel Lamangan sa ngalan ng 10,000 claimants.
Ayon sa CA, hindi valid ang desisyon ng US court at wala itong hurisdiksyon sa kaso.
Inihain ang petisyon sa CA matapos desisyunan ng Makati Regional Trial Court na hindi maipatutupad ang claims ng mga ito sa kayamanan ni dating pangulong Ferdinand Marcos. Iginiit ng Makati RTC sa resolusyon nito noong July 7, 2017 na walang hurisdiksyon ang US court dito.
Dagdag ng CA, hindi rin nabigyan ng pagkakataon ang mga partido na sumailalim sa due process, lalo na at hindi pinangalanan ang claimants. Hindi rin nabigyan ng pansin ang mga umano’y pinsalang dinanas ng mga ito.
Maliban dito, sinabi sa resolusyon, “constitutionally infirm” ang desisyon ng US court dahil ibang batas ang ginamit na batayan ng desisyon nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.