2 babaeng mandurukot na nakapila sa pahalik sa Nazareno, arestado sa Quiapo

By Erwin Aguilon January 05, 2018 - 10:14 AM

Arestado ng mga tauhan ng Manila Police District ang dalawang hinihinalang babaeng mandurukot sa simbahan ng Quiapo sa Maynila.

Nakilala ang mga naaresto na sina Roseta Macato at Marilyn Oyong.

Nabatid na habang nasa pila ng pahalik sa Nazareno dinukutan ng dalawa ang biktimang si Cristy Cortez.

Sinabi ni Supt. Arnold Thomas Ibay, hepe ng Station 3 ng MPD, bahagyang nagkagulo sa pila ng pahalik nang mapansin ng biktima na dinudukutan siya.

Dito na nagsisigaw ang biktima dahilan upang magkaroon ng komosyon sa lugar.

Hinabol naman ng mga miyembro ng citizen crime watch ang mga suspek at nabawi dito ang cellphone ng biktima.

Paalala naman ng pulisya sa mga magtutungo sa Quiapo ngayong araw hanggang sa pista ng Nazareno na huwag magdala ng mga mamahaling gamit tulad ng mga cellphone at alahas upang makaiwas sa pandurukot at snatching.

Gayunpaman, tiniyak ng MPD ang mahigpit na seguridad na kanilang ipatutupad sa taunang Traslacion.

 

TAGS: manila, quiapo, Snatcher nabbed, Traslacion 2018, manila, quiapo, Snatcher nabbed, Traslacion 2018

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.