Iba’t ibang tama ng bala sa ulo at katawan ang sanhi ng pagkamatay ng dalawang biktima sa naganap na madugong shooting incident sa Mandaluyong City.
Batay sa inilabas na autopsy report ng PNP Crime Laboratory, nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan ang parehong biktima na sina Jonalyn Ambaan at Jomar Hayawon.
Ayon kay Police Supt. Isidro Cariño, nakitaan rin ng ‘tattooing’ sa ulo si Jonalyn, at ito ay resulta ng pagbaril sa kanya nang malapitan.
Dagdag pa ni Cariño, nakitaan rin ng nitrate powder ang biktima malapit sa kanyang kamay.
Una nang nagpositibo si Ambaan sa gunpowder matapos itong isailalim sa paraffin test.
Ayon naman kay Eastern Police District (EPD) Director Chief Supt. Reynaldo Biay, hawak na rin sa ngayon ng Special Investigation Task Group-Shaw ang autopsy result mula sa Crime Lab bilang bahagi ng ebidensiya sa kaso laban sa barangay chairman at sa tatlong tanod ng Barangay Addition Hills.