Faeldon, inakusahan si Sen. Gordon ng paglabag sa kanyang karapatang pantao

Inquirer file photo

Umalma si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon sa ginawa umanong paglabag ng Senate Blue Ribbon Committee sa kanyang karapatang-pantao.

Sa inilabas na statement ni Faeldon, sinabi nito na tinanggalan siya ng karapatan ni Senator Richard Gordon na Chairman ng Blue Ribbon Committee.

Ayon kay Faeldon, hindi siya pinayagan ng kumite na makapagdiwang ng Pasko at Bagong Taon kasama ang kanyang pamilya.

Hindi rin umano siya pinayagan ni Gordon na makapagpa-check up sa kanyang cardiologist kahit pa alam ng Senador na may sakit siya sa puso na dahilan ng kanyang pagkaka-confine noong Agosto 2017.

Tinanggalan rin umano siya ng karapatan na makapagsimba, at makapanumba bilang bagong appoint na Deputy Administrator ng Office of Civil Defense na nakatakdang ganapin sa January 10.

Pero ang pinaka-masakit umano kay Faeldon ay tinanggalan rin siya ng Senado ng karapatan na makita ang kanyang bagong-silang na anak.

Ayon sa dating Customs Commissioner, sumusunod si Gordon sa utos ni Sen. Panfilo Lacson, na kanyang tinawag na isang ‘cement-smuggler’.

Una nang inakusahan ni Faelson si Lacson at ang anak nito na si Pampi na sangkot sa pag-smuggle ng semento sa bansa.

Ibinulgar rin ni Faeldon na kung maglalabas siya ng statement, tuluyan na siyang pagbabawalang mabisita ng kanyang mga mahal sa buhay, at puputulan rin siya ng supply ng tubig at kuryente sa kanyang detention room sa Senado.

Si Faeldon ay naka-kulong sa Senado simula pa noong September 10 matapos tumangging humarap sa pagdinig kaugnay ng umano’y korapsyon sa Bureau of Customs at ang isyu ng 6.4-billion pesos na halaga ng droga na naipuslit sa bansa.

Read more...