Sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pwesto si Maritime Industry Authority (Marina) Administrator Marcial Amaro III dahil sa kanyang madalas na pagpunta sa ibang mga bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nakarating na pangulo ang mga sumbong kaugnay sa halos ay pagtira na sa abroad ni Amaro mula nang siya maitalaga sa Marina.
Noong 2016 ay anim na beses siyang lumabas sa bansa samantalang sa naalipas na taong 2017 ay mas naging madalas ito at umabot sa 18 ang kanyang foreign trips na hindi naman kinakailangan sa kanyang pwesto.
Nauna nang sinabi ng pangulo na dadaan sa kanyang tanggapan ang lahat ng mga otorisasyon kaugnay sa pagbiyahe sa labas ng bansa ng kanyang mga opisyal na itinalaga sa mga tanggapan ng pamahalaan.
Ayon kay Roque, “Let this be a reminder to all public officials that the President is serious in his mandate that they live modest lives, that they should be true to their callings and avoid unnecessary trips.”
Kamakailan ay sinibak rin sa pwesto ng pangulo si Presidential Commission for the Urban Poor Chairman Terry Ridon makaraan siyang magkaroon ng pitong foreign trips sa loob lamang ng ilang buwang panunungkulan.
Nauna dito ay inireklamo mismo ng mga empleyado ng Marina ang pagiging absentee administrator ni Amaro.
Sa kanyang 24 foreign trips, tatlo lamang sa mga ito ang sponsored at halos lahat sa mga ito ay ginastusan ng pamahalaan.
Sa kanyang panig, nagawa pang ipagtanggol ni Amaro ang kanyang mga byahe sa abroad sa pagsasabing naging makabuluhan ito para sa kapakanan ng mga seafarers na Pinoy sa labas ng bansa.