Preparasyon para sa Traslacion 2018, kasado na
Nakahanda na ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at ang pamunuan ng Quiapo Church para sa isasagawang Traslacion sa January 9, araw ng Martes.
Simula January 8, alas-10 ng gabi ay isasara na ang mga kalsadang dadaanan ng andas ng Itim na Nazareno.
Samantala, tiniyak ni Manila Police District Director Chief Superintendent Joel Coronel na walang banta sa gaganaping Traslacion, ngunit mananatili silang naka-alerto.
Aniya, nasa 7,000 uniformed personnel ang ipakakalat para sa seguridad ng mga deboto.
Karagdagang security measures din ang pagkakaroon ng gun ban simula alas-dose ng hatinggabi ng January 8 hanggang alas-dose ng hatinggabi ng January 10.
Mayroon ding ipatutupad na temporary liquor ban sa mga tindahan sa loob ng 500-meter radius sa mga dadaanan ng andas simula alas sais ng gabi ng January 8 hanggang alas sais ng umaga ng January 10.
Magpapatupad rin ng “no sail zone” at “no fly zone” sa lugar, ngunit ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), para sa mga media agency na gustong mabigyan ng permisong makapagpalipad ng drone ay kailangan munang magsumite ng letter request kung saan kabilang sa nakasaad ang pangalan ng media company at pangalan ng operator.
Samantala, ilalagay naman sa “code white” ang lahat ng pampublikong ospital sa buong Maynila.
Tiniyak din ng pamunuan ng Quiapo Church na ligtas gamitin at matibay ang andas na pagsasakyan ng Poong Nazareno.
Siniguro naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na matibay ang Jones Bridge at kakayanin ang bigat ng dami ng debotong dadalo sa prusisyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.