Eye center iniimbestigahan. Mga nagpapa-opera sa katarata biglang dumami.
Sinuspinde muna ng Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth ang pagbabayad sa claims ng dalawang Eye Clinic at ilang Health professionals dahil sa kaduda-dudang paglobo ng claims ng mga ito para sa operasyon sa katarata.
Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni Philhealth Vice President for Corporate Affairs Israel Francis Pargas na sa isinagawa nilang audit mayroong kwestyonableng P112 million na halaga ng claims ang Pacific Eye Center sa Makati at Quezon City Eye Center.
Iniimbestigahan na aniya ng Philhealth ang dalawang eye center na ito.
Ayon kay Pargas, sa inisyal na report na kanilang nakuha, may mga tauhan ang dalawang eye center na naghahagilap mismo ng pasyente para maoperahan sa katarata.
Ito aniya ang dahilan kaya bigla na lamang lumobo ang bilang ng mga pasyenteng nagpapa-opera sa dalawang clinic at lumaki din ang claim sa Philhealth ng nasabing mga pasilidad.
Sinabi ni Pargas na wala namang problema kung talagang kinakailangang operahan ang isang indibidwal at miyembro ito ng Philhealth.
Pero posible aniyang ang iba sa mga pasyente ay nilinlang ng dalawang eye center at maaring hindi naman talaga kailangang operahan.
“Sila mismo ang naghahanap ng pasyenteng ooperahan, kaya biglang dumami ang patients at dumami ang claims nila. Gusto naming malaman, lahat ba ng pasyenteng ito kailangan ba talagang operahan baka naman hindi pala,” sinabi ni Pargas.
Nilinaw naman ni Pargas na tuloy ang pagbibigay nila ng benepisyo para sa cataract procedures sa kanilang mga miyembro.
Hindi aniya inihihinto ng Philhealth ang benepisyo para sa katarata at sa halip ay sinuspinde lamang nila ang pagbabayad ng claims sa mga iniimbestigahang clinic.
“Gusto ko lang i-clarify, ang amin pong itingil ay ang pagbabayd ng claim sa affected facilities. Pero ang benefits for cataract procedures hindi po itinigil ng Philhealth. Ang mga legitimate members/patients na kailangang maoperahan sa katarata ay puwede pong magpa-opera,” dagdag pa ni Pargas / Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.