Trump kay Kim: ‘Mas malaki ang nuclear button ko’
May babala si US President Donald Trump kay North Korean Leader Kim Jong Un.
Ito ay matapos sabihin ni Kim sa kanyang taunang New Year Address na mayroon siyang ‘nuclear button’ sa kanyang lamesa bilang pagmamalaki sa nuclear program ng kanyang bansa.
Sinabi ng lider na ang nuclear powers ng North Korea ay aabot sa kabuuang teritoryo ng US at hindi lamang ito isang panakot kundi ito ay isang realidad.
Gayunpaman, sa isang tweet ay sinabi ni Trump na mayroon din siyang ‘nuclear button’ ngunit higit na mas malaki at mas makapangyarihan kaysa sa kung ano ang mayroon si Kim.
Ipinagyabang din ng pangulo ng Estados Unidos na ang kanyang nuclear button ay gumagana.
Sa isa pang tweet noong January 2 ay sinabi rin ni Trump na ang pag-iba ng tono ng NoKor sa South Korea ay posibleng isang magandang balita ngunit posible ring hindi.
Sinabi ni Press Secretary Sarah Sanders sa isang pulong balitaan sa White House na hindi pa rin nagbabago ang pakikitungo ng US sa North Korea at ituturing pa rin itong isang ‘global threat’.
Samantala, ang tweet ni Trump sa ukol sa kanyang nuclear button ay umani ng iba’t ibang reaksyon at sa ngayon ay nakakuha na ng halos 400,000 likes at higit 150,000 retweets.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.