Pagpasok ng ikatlong telco player, bubuksan sa ibang kumpanya kung tatanggihan ito ng China
Magiging bukas lang ang telecom industry ng Pilipinas sa ibang foreign companies kung hindi magiging matagumpay ang pag-uusap sa pagitan ng bansa at ng China.
Nilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang alok sa China na maging isa sa mga telco players dito sa bansa ay bunsod ng bilateral talk sa pagitan ni Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese Premier Li Keqiang.
Ayon pa kay Roque, mukha namang tinanggap ng China ang alok dahil inirekomenda na nito ang China Telcom.
Sa isang pahayag kasi ay sinabi ni Communications Sec. Martin Andanar na ang pangatlong telco player na papasok sa bansa ay hindi lamang limitado sa China, kundi bukas sa lahat ng telcos o investor sa buong mundo.
Ani Andanar, kung sino man sa mga ito ang makapagbibigay ng pinakamaganda at pinaka-viable na alok ang siyang mapipiling makapasok sa telecommunications industry sa bansa.
Ipinaliwanag naman ni Roque na mangyayari lang ito kung hindi katanggap-tanggap para sa China ang constitutional provision ng foreign ownership ng mga strategic industries sa Pilipinas.
Hindi aniya kasi talaga komportable ang mga Chinese state-ownes companies nang hindi hawak ang 100 porsyento o ang majority stake.
Nakasaad kasi sa Saligang Batas na dapat ay pag-aari ng Pilipino ang 60 percent ng stakes ng mga kumpanya sa strategic industries tulad na lang ng telecommunications.
Kung hindi aniya ito kukunin ng China, walang pagpipilian ang gobyerno kundi maghanap pa ng iba mula sa ibang bansa na susunod sa ating Saligang Batas.
Gayunman, sinabi ni Roque na sa ngayon ay wala siyang nakikitang indikasyon na tatalikuran ng China ang nasabing alok.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.