Nabawi na ng Southern Police District ang tatlong taong gulang na batang babae na dinukot sa Barangay Ilaya sa lungsod ng Las Piñas.
Naaresto naman ng mga otoridad ang dumukot sa biktimang si Princess Louisana Bumatay na tinangay ng mga suspek noong December 30, 2017.
Ang nahuling suspek ay si Giselle Omayan na residente sa Barangay Mabili sa Bacoor City.
Inaresto rin ng mga pulis ang kasabwat nito na ais Serio Cinolete, 26-anyos, isang barker at residente sa Kawit, Cavite.
Nahuli ang dalawa sa follow-up operation ng PNP kaninang madaling araw.
Unang naaresto si Omayan sa Zapote, Las Piñas habang nakuha naman ang bata sa bahay ni Cinolete matapos itong ituro ni Omayanayon kay Southern Police District Director Tomas Apolonario.
Sa imbestigasyon ng SPD ay napag-alaman na plano ng mga suspek na ipatubos sa magulang o ibenta ang bata pero pumalpak ito kaya gagamitin sana ang bata sa panlilimos.
Sa ngayon ay inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa mga suspek at inaalam na rin ng mga otoridad kung saang grupo kabilang sina Omayan at Cinolete.