500 sundalo tutulong sa pagbabantay sa prusisyon ng Itim na Nazareno
Tutulong sa pagbabantay sa seguridad ng Pista ng Itim na Nazareno ang ilang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay Brig. Gen. Allan Arrojado, Commander ng AFP Joint Task Force-NCR, noong nakaraang buwan pa sila nakikipag-coordinate sa Basilika ng Quiapo para sa gaganaping Traslacion ng Itim na Nazareno sa January 9.
Nagrequest umano ang Basilika sa AFP ng karagdagang pwersa katuwang ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) upang tiyakin ang seguridad ng mga deboto na dadalo sa taunang pagdiriwang.
Nauna nang sinabi ng PNP na aabot sa 5,700 na mga pulis ang kanilang ipakakalat sa araw ng prusisyon.
Aabot sa 500 sundalo ang kanilang ipadadala para magbantay at magbigay seguridad sa publiko.
Inaasahang milyun-milyong deboto ng Itim na Nazareno ang muling dadagsa upang makilahok sa nasabing selebrasyon.
Kaninang umaga ay ininspeksyon na ng mga opisyal ng Pista ng Itim na Nazareno at Manila Police District ang ruta ng gaganaping prusisyon sa January 9.
Maglalagay rin ang PNP ng mga cellphone signal jammer para sa kaligtasan ng publiko sa lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.