Isang linggo bago ang prusisyon ng Itim na Nazareno o Traslacion, nagsagawa ang ilang ospisyal ng Manila Police District at Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church ng inspeksyon sa dadaanang ruta ng imahe at ng mga deboto.
Pinangunahan nina MPD Director Joel Coronel at Monsignor Hernando “Ding” Coronel, rector ng Quiapo Church, ang nasabing inspeksyon kasama ang Department of Public Works and Highways.
Isinagawa ang inspeksyon mula sa Quirino Grandstand sa Rizal Park hanggang sa P. Burgos Street.
Ngayon taon, nabatid na maiiba ang ruta ng prusisyon, sa halip na dumaan sa eastbound lane ng P. Burgos at Lagusnilad, idadaan na ito sa westbound lane ng P. Burgos.
Ayon kay MPD Director Coronel, dahil sa inaasahang dami ng mga dadalo sa prusisyon, mas magiging ligtas kung iiwasan ang Lagusnilad.
Kailangan din aniyang ma-clear ang anumang road obstructions sa dadaan ng Traslacion.
Kabuuang 5,700 na mga pulis ang ipakakalat para magbigay ng seguridad sa Pista ng Itim na Nazareno.
Samantala, pinayuhan naman ni Msgr. Coronel ang mga buntis at may sakit sa puso na deboto na huwag nang makilahok nsa Traslacion para sa kanilang kaligtasan.