Labinglimang pamilya ang nawalan ng tirahan matapos masunog ang kanilang mga tahanan sa Barangay Pio del Pilar sa lungsod ng Makati.
Ayon kay Superintendent Roderic Aguto ng Makati Bureau of Fire Protection (BFP), labing-apat na bahay ang tinupok ng apoy.
Unang sumiklab ang sunog bandang alas dose ng hatinggabi at 2:20 na ng madaling araw nang ideklara itong fire-out.
Agad na kumalat ang apoy dahil pawang gawa sa light materials ang mga bahay sa lugar.
Kukumpirmahin pa ng mga otoridad kung nagsimula nga ba ang apoy mula sa naiwang niluluto sa kusina ng isang unit ng paupahang bahay.
Ayon kay Aguto, natagalan silang apulahin ang sunog dahil sa kuryenteng hindi agad nasara ng mga kawani ng Meralco na dahil naman sa hindi sila sigurado kung alin sa sanga-sangang linya ng kuryente ang puputulin.
Patuloy pang inaalam ng mga otoridad kung magkano ang kabuuang pinsala sa naturang sunog.