Lalaking hinihinalang hinampas ng malaking bato, patay sa Baseco Compound, Maynila

By Justinne Punsalang January 03, 2018 - 08:12 AM

Kuha ni Justinne Punsalang

Hindi pa alam ang pagkakakilanlan ng isang lalaking natagpuang patay sa isang kalsada sa Baseco Compound, Port Area sa Maynila.

Sa inisyal na assessment ng mga otoridad ay isang kuliglig driver ang biktima dahil sa nakitang tali na posibleng gamit sa pagpapaandar ng kuliglig.

Basag ang mukha at bungo ng nasabing biktima at makikitang nakadagan sa kaliwa nitong braso ang isang malaking bato na mayroong bakas ng dugo.

Hinihinalang ito ang ginamit sa pagpatay sa biktima.

Sinasabing nagkaroon ng rambol sa lugar at makikitang nagkalat ang mga bubog ng basag na bote sa paligid ng biktima.

Isa sa mga tinitingnang anggulo ng mga otoridad ang posibilidad na nadamay lamang ang biktima sa gulo.

Ngunit hindi rin nila isinasantabi ang posibilidad na kasama sa riot ang lalaki.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.