Isinasailalim na sa imbestigasyon ng Office of the Ombudsman ang 23 katao kabilang na ang dati at kasalukuyang matataas na opisyal ng Land bank of the Philippines, Social Security System at kilalang mga negosyante mula sa kumpanyang Global 5000.
May kinalaman ang imbestigasyon sa kaso ng umanoy maanomalyang pagbebenta sa siyam na bilyong pisong shares of stocks ng Meralco noong 2008 at 2009.
Kabilang sa mga ito sina dating SSS Chairman Thelmo Cunanan, Vice Chairman Romulo Neri, Marianita Mendoza, Donald Dee, Sergio Luis-Ortiz Jr, Fe Tibayan-Palilieo, Victoria Balais at Sonny Matula.
Sa hiwalay na complaints na inihain ng Field Investigation Office, nahaharap din sa imbestigasyon ang ilang Land Bank of the Philippines executives na sina Margarito Teves, Marianito Roque, Patricia Ruallo Bello at walong iba pa mula sa nabanggit na bangko.
Lumalabas sa imbestigasyon ng anti-graft body, inaprubahan ni Cunanan ang block sale ng Meralco shares ng SSS sa halagang 5.6 billion pesos sa Global sa downpayment lang na mahigit isang bilyong piso.
Pero sa audit observation memorandum ng Commisssion on Audit, walang financial capacity at track record ang Global na itinayo isang taon bago ang sale.
Bukod sa mga opisyales ng SSS at Land bank, kasama rin sa iniimbestigahan ang mga negosyanteng sina Iñigo Zobel, Roberto Ongpin at tatlong iba pa mula sa kumpanyang Global.